Aking Pahayag Entries

You can take the Pinoy out of the Philippines
but you can't take the Philippines out of the Pinoy.

Isinulat ni Allan Floralde

Ayon yan sa isang librong nabasa ko (na hindi ko pa natatapos!) at napatunayan ko ito nung pumunta ako noon sa Hongkong (na feeling ko nasa Ongpin lang ako) at ngayon dito sa Dubai. Kahit na siguro lunurin nila ako ng kultura at kinagisnan nila. Kulturang Pinoy pa rin ang aking hinahanap ko.

Nakakatawang pakinggan pero namimiss ko rin pala smoke pullution, ang basura sa lansangan, ang ingay ng jeep, ang mga holdaper (na halos bespren ko na!), ang videoke, ang sidecar, ang kwek-kwek, ang mga lutong ulam sa kalsada pati almusal, ang soap opera, maniwala kayo sa hindi pati si Madam Gloria miss ko na! di ko na nga alam ano nangyari kay Jun Lozada. Kung totoo ba ang mga sinasabi nya o pawang mga guni-guni lang.

Noon sa Pinas simple lang ang buhay ko, hindi ako magarbo, hindi mapaghanap, simple lang talaga. Gigising ako sa umaga para manood ng Umagang kay Ganda (naks! may plugging pa!) tapos lalabas titingin ng almusal sa tindahan nila aling Cely, siyempre papalapit palang ako kay aling Cely binabalot na nyan ang tsamporado at 3 pandesal na may palamang keso. Yan ang menu ko araw-araw kay aling Cely.Pagkatapos maliligo, papasok sa opisina. nakakatawa pa nito sa GMA 7 ako nagtratrabaho pero paguwi ko sa bahay kapamilya ang pinanonood ko. hehehe.. trivia yan!... tapos uuwi, magbibihis at dadaan sa giftshop namin para makipagkwentuhan sa mama ko na nagbabantay dun.. bibili ng isaw o baga at sparkle.. miryenda na yun! Tapos maya-maya ay maghahapunan na at manonood ng TV hanggang sa makatulog. ganyan ang buhay ko sa pinas. pero nagbago ang lahat nung nagsimulang tumuntong ang mga makikinis at flawless kong paa dito sa dubai. bawat araw ay puno ng pagsubok sa buhay.. dito na ako naghanap ng trabaho. Graphic Designer ako sa Pinas kaya Graphic Designer din ako dito. Halos bawat araw parang hinahamon ako ni pareng tadhana kung saan ko gusto pumunta. sa dinamidaming lahi ang nagaapply dito eh nahirapan ako makapasok. Merong Pakistani, Iranian, Indian, Sri Lankan, Britton, Russian, American, Kenyan, Egyptian at kung anu-ano pa.Sa tuwing pupunta ako sa interview expected ko na na parang Miss Universe ang pupuntahan ko kalaban ang ibat-ibang bansa at makikipagpaligsahan sa question and answer at talent portion. Naka ilang pageant este company rin ang pinuntahan ko.naka 3 ata ako.. pero sa huli.. ako ang nagwagi. tinaas ko ang bandera ng pinas. ang nakakatawa pa nun.. sa mga nagaaply ako lang ang Naka longsleeve, faded jeans and white chucks ang nagapply. Lahat sila naka pormal.Pinatunayan ko lang na "looks can be decieving.." hehehe..


Dito sa Dubai halos makikilala mo ang Pinoy sa ugali.. nakangiti kausap, mabango (mabaho kasi sila..), malinis tingnan at magaling pumorma.. tama... naniniwala ako na ang Pinoy ay likas na fashionista.. tuwing nakakarinig ako ng nagtatagalog or mga pinoy na naguusap ng tagalog.. napapangiti ako.. nakakamiss din kasi ang usapang ganun. yung tipong from top to bottom ng usapan tagalog lang.. namimiss ko tuloy ang mga chismosa samin.

Ngayon ko lang napatunayan.. WALANG TATALO SA PINOY.. Hindi man tayo mayaman sa pera, mayaman naman tayo sa ugali, sa kultura, sa disiplina at respeto. Kaya sa tuwing tinatanong ako.. "what is your nationality" halos isigaw ko ang sagot ko na.. "I am a Pinoy" at ito ang isa sa pinagmamayabang ko.

Ang mga pagkain dito hindi mo matetake.. hay.. masakit sa sikmura.. Kahit siguro pulubi satin di kakainin ang mga yun.Kaya bihira ako kumakain sa labas. Mas gusto ko pa yung namamalengke at nagluluto.. lutong pinoy pa.. nakakamiss mamalengke sa talipapa.Dito kasi sa mall ka pa mamamalengke.Hindi ka tuloy makatawad kasi computerized ang kiluhan, kaya minsan sinisisi ko ang pagusad ng teknolohiya, pati palengke sinalanta na, di na tuloy ako makatawad sa presyo sana d mangyari ito sa mga palengke at sidewalk vendors sa Pinas.

Hay.. miss ko na ang Pinas.. miss ko na ang PBA.. miss ko na ang bangayan sa gobyerno.. miss ko na ang iskandalo sa mga artista.. miss ko na ang tumambay sa kapit-bahay.. miss ko na talga ...

pati sarili ko miss ko na..

miss ko na ang sarili ko nung nasa pinas ako..

makauwi lang ako..

magwawala ako.. hahaha!

AKING PAHAYAG MAY YABANG AKO!
Isinulat ni Marifel Anyayahan

Sadyang mahirap makipag sapalaran sa ibayong dagat lalo na sa lugar kung saan ang tingin ng pang kalahatan ay mababang uri ang kababaihan. Bilang isang babaeng manggagawa sa gitnang silangan, sadyang napakahirap itaguyod ang aming puri bilang isang pinoy.

Sapagkat dito sa Dubai, nakakalungkot isipin na ang tingin sa mga kababaihang pilipina ay isang Magdalena, kalapating mababa ang lipad o kaya naman relasyon kapalit ng kayamanan ang hangad.

Oo, nakaka takot isipin na sa mga lansangan kadalasang nakakaranas ng pambabastos ang liping pilipina. Hindi lamang dyan nagtatapos ang aming pighati kundi na rin sa mga upisina at sa mga pampublikong lugar kung saan ang diskriminasyon bilang isang Pinay ay masasaksihan.

Ang pangkalahatang impresyon sa lahing Pilipina ay napakababa.

Subalit, marami pa rin sa atin ang nananatiling nasa rurok ng tagumpay bilang isang Pilipino at nagiging matatag sa kabila ng sigwa ng buhay OFW.

Na sa yabong ng mga proyektong infrastraksyon at konstraksyon ay malaking bahagi ng mga manggagawa dito ay Pilipinong inhenyero, arkitekto at kleriko.

Na ako ay nagpapahayag ng isang KAYABANGAN bilang isang manggagawang pinoy ng pinakamalaking proyekto ng gobyerno ng UAE...

Na ako ay kabilang sa libo libong pilipino na ang puso at talino ay bahagi ng kauna unahang Metro Train sa sangkalupaan ng United Arab Emirates.

Na sa kabila ng pagiging isang babae at isang Pilipino ako ay empleyado ng proyektong ito.

Na sa kabila ng aming pakikipagsapalaran sa bansang ito, masasabi ko pa rin ng buong yabang na AKO AY ISANG PINAGPIPITAGANANG BABAING PILIPINO!

Makakamtan at Makakamtan
Isinulat ni Naomi Joy Dilodilo, M.D.

bakit tayo aasa. . .sa kakayanan ng iba. . .
sa katotohanan lang. . .mas magaling tayo sa kanila. . .
mukha lang tayong nahuhuli. . .sa paningin ng marami. . .
sinadyan niruyakan. . .and ating lahi!!!

bakit tayo papayag, magpatuloy ito. . .
meron namang magagawa. . .ang ikaw at ako. . .
ihandog lamang ang taos mong puso. . .
at bukal mong damdamin ay ialay mo. . .

tayo ay nabiyayaan. . .ng mga likas na yaman. . .
tumingin ka sa paligid. . .nandiyan ang gintong kaban. . .
ang ating mga mata ay imulat sa ganitong paraan. . .
at makakamit din ang kasaganaan. . .

 

bakit ka mawawalan ng pag asa. . .hindi ka naman nagiisa. . .
magkapit bisig na tayo. . sa adhikain na ito. . .
lagyan na ng katapusan. . .ang paghihirap ng bayan. . .
atin ng simulan. . pangarap nating inaasam...

ang lahat ng ating katanungan,
tungkol sa paghihirap at kaguluhan ng ating bayan...
iyan at pangsamantala lamang,
kasinungalingang dapat huwag natin paniwalaan...

ang iyong mga mata ay itanaw,
sa dakong silangang sumisikat ang araw...
sa kabundukan, sa karagatan,
sa kapatagan na ating kasaganaan...

naniniwala ako. . .sa dunong at lakas mo. . .
magsamasama lamang tayo. . .
makakamtam at makakamtam natin. . .
ang adhikain ito!!!

Shampoo o Itlog
Isinulat ni Jennifer Jasme

Kadalasan mo maririnig na itinatanong kung alin ba ang nauna..itlog o manok? Pero ang nanay ko iba ang naitanong..

Sa isang ordinaryong Juan dela Cruz na naninirahan sa Maynila kadalasang partner sa kanin ang instant noodles, mga delata, o kaya nman itlog- at kabilang kami dun.

Nung college ako hinding hindi ko makakalimutan kung paano nagtitipid ang nanay ko at kung paano nya napagbubudget ang monthly salary ng tatay ko na isang security guard. Kasama na dun ang pagtitipid sa pagkain at iba't ibang expenses sa skul at sa bahay. Ang isang sachet ng shampoo ay ipinagkakasya namin sa apat na ulo at kung anu ano pa.

Minsan, pag-uwi ko galing sa skul tumambay muna ako sa labas ng bahay kasama ang nanay ko at ang iba pa naming kapitbahay..

Sa kalagitnaan ng isang masarap na kwentuhan, sumingit ang younger sister ko na 1st year college na din that time.

"mama…pahingi ng pambili ng shampoo…" sabi ni utol. Binigyan sya ni Mama ng 5 pesos pambili ng shampoo…"mama, anong ulam?"

"mag-itlog ka na lang.."

"pahinging pambili.." sabi ni utol…

At dahil yun na ang last money nanay ko ang nasabi n lang nya..

"ano ba gusto mo? Shampoo o itlog?"

At dahil naintindihan na rin naman nya kung anong ibig sabihin ng nanay ko..ang nasabi na lang nya "syempre itlog!" dahil kung magkashampoo man sya wala naman syang kakaining ulam sa pananghalian..

Nagpahabol pa ang nanay ko ng "bumili ka na hati tayo ha?!"

"Huh?! Mama naman eh sa isang itlog pa lang po hindi na ko titingahan eh…hati pa tayo...?"

Isang masayang usapan kung saan nakitawa pati ang mga kapitbahay namin sa kalye..

Pero ako after nun…

Sinabi ko sa sarili ko na balang araw…hindi na mauulit na papapiliin kami ng nanay ko kung shampoo o itlog.

Kaya nagtyaga ako, nagtapos ng pag-aaral at hindi ko ininda ang kahirapan ng buhay. Sa kasalukuyan isa na ako sa mga libo-libong pinoy na nakikipagsapalaran sa disyerto at nakikipagtagisan ng kaalaman sa mga ibang lahi..

Nung nasa Pinas ako, after ng sahod ako na ang nagtatanong sa mama ko..

"Ma, san mo gustong kumain? Jolibee o Mcdo?"

Sagot ni Mama?

"Sa Max!"

Isinulat ni Sarah Mae F. Bombay

Labimpitong taon. Labimpitong taon na ako nabubuhay at naninirahan dito sa perlas ng silangan. Sa dami ng taon na ginugol ko dito, marami akong bagay na napapansin.
Sa halos linggo-linggo ako na nagbabyahe, lagi kong napapansin ang mga iskwater sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod. Oo, hindi sila magandang tignan. Madungis, marumi at hindi maayos ang kanilang tirahan. Nakakapangit nga naman ito sa ating bansa. Pero, wala ba kayong ibang napapansin?

Naisip nyo ba na napakamapamaraan at malikhain ng mga taong gumawa nito? Ilang pirasong kahoy, ilang yero, ilang bakal(kung masweswertehan na makakuha) at minsan ay ilang plastic at sako din, isama mo na rin ang gulong.  At makakagawa na sila ng isang bahay. Isang bahay na may bintana, bubong, pintuan at mga haligi. Minsan ay studio-type lang o pag mas maraming materyales ang nadilehensya  ay nalalagyan pa ng mga divider para magkaroon ng kuwarto. Ang nagawang bahay ay maaaring tirahan ng sampu o higit pang tao. Depende kung gaano karami ang magkakasya sa isang mumunting silungan.

Bukod sa tirahan nila, isa ko pang napansin ay ang mismong mga nakatira dito. Isang larawan ng pinoy. Kahit anong hirap ng buhay ay napagtyatyagaan pa rin. Kahit anong saklap ng mangyari ay di pa rin nawawalan ng pag-asa. At kahit anong lungkot ay napapalitan pa rin ng mga ngiti at tawa. Yan ang lahi ko. Nasasabayan ang agos ng buhay.

May ilang nga talagang mga bagay ng kung ating titignan ay hindi maganda sa imahe ng ating bansa at sa imahe natin bilang Pilipino. Pero kung ang mga iyan ay ating titignan sa ibang pananaw, makikita natin na dito lumalabas ang mga katangian ng ating mahal na lahi na pwedeng ipagmalaki.

Pinoy ako, ipagmamalaki ko ‘to.

Isinulat ni Landa Bautista

Ang una't madaling hakbang
sa pambansang kaunlaran
ay ang paninindigang
Tayo ay lahing may maipagyayabang!

Walang dapat pag-isipan.
Lalong walang dapat ipag-alinlangan.

Ipagbunyi natin ang lahing Pilipino!
Kung hindi ngayon, kailan? Kung hindi tayo, sino?

Itaas mo ang noo mo, Pilipino!!!

Pinoy
Isinulat ni Aaron Salazar

Pilipino sa puso't diwa, kailan ma'y di mawawala
Kahit pa datnan ng takot at pagkawalang-bahala.
Ako'y isinilang na Indiong makata
Mandirigma na mula pa noong pagkabata
Minulat nang Malaya, naghihintay na ng sunod na kabanata.
Hindi natatakot sa mga kalaban at banta
Dahil alam kong tayo'y ngkakaisa't naghahanda.
Ipagtanggol ang ating yaman
Sa mga dayuhang gahaman
Kahit ang kapalit ay luha't kamatayan.

Pagkilos at paggawa ang kailangan
Upang ang bayan ay di mapailaliman.
Di natin kailangan ng mga pangako
Pagmamahal at pagkakaisang hindi napapako.
Tayo'y mga Pilipino
Sa isip, sa salita at sa gawa
Kayamana'y tumatagingting at lumalawa
Ating gamitin ng maingat nang di mawala
Ito'y biyaya ng Diyos at ng mga bathala.

Sagana sa talento ikaw at ako
Mayabong na kaalaman ay huwag
itagoNang likas na talino'y lalong lumago.
Ipagsalin-salin ang literaturang Pinoy
Ipagmalaki ang dugong-makatang sati'y dumadaloy
Magsalita isalaysay at ipagpatuloy.

Ako nga'y bata pa at mahina ang pangangatawan
Subalit ako'y lalaban gamit ang aking kaalaman
Armas at baril ay di kailangan
Sa matamis na tagumpay na ating inaasam.
Bata pa nga'y daidig na ang pasan
Dahil sabi nga ng ating bayani noon pa man
Nasa amin ang pag-asa ng bayan.

Imulat ang isipan sa mga nangyayari sa kasalukuyan
Huwag pumayag na ika'y tapak-tapakan
Sipain at alisin ang mga mapanlason sa isipan
Pagbangon at tagumpay ay atin nang tangan.

Marami nang nagbuwis ng buhay
Para sa ating matunog na tagumpay
Huwag hayaang masayang ang kanilang ginawang alay.

Itaas ang noo't gumawa ng bagong kasaysayan
Huwag matakot dahil ito'y para sa ating bayan
Maging katangi-tangi at iukit ang kinabukasan
Dagdagan at pagyamanin ang nauna nang karanasan.

Kapit-kamay nating ipagmalaking tayo'y Pinoy
Alisin ang mga alinlangan at panaghoy
Marami kang natatagong talentong Pilipino
Mga prinsipyong tama at malaman
Kalagan at hayaang isaisip ng mga kababayan.
"PINOY" yan ang ating pagkakakilanlan.

  Aking Pahayag List of Entries
  EMAIL this WEBSITE!
E-MAIL THIS PAGE
Enter recipient's e-mail:



www.yabangpinoy.com © All Rights Reserved 2007